VP Sara kinasuhan ng 3 counts ng grave threats

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes, Agosto 11, na sinampahan na ng tatlong bilang ng kasong grave threats si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court (RTC). Kaugnay ito sa umano’y pahayag niya sa isang Zoom meeting noong 2024 na may nakausap na siyang papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
“We confirm that the complaint for Grave Threats against Vice President Sara Duterte was filed today, August 11, 2026, at around 1:30 p.m. with the Office of the Clerk of Court of the Quezon City Regional Trial Court,” ayon sa DOJ.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Pebrero 2025 na kasuhan si Duterte ng inciting to sedition at grave threats. Naging pending ang reklamo sa DOJ hanggang sa pagsisimula ng impeachment trial, kung saan tumestigo si NBI Director Melvin Matibag hinggil sa posibleng sabwatan na kinasasangkutan umano ng Bise Presidente at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte, inaasahan na nila ang pagsasampa ng kaso. Kinumpirma rin niyang tatlong bilang ng grave threats ang isinampa laban sa kanyang kliyente, ngunit ibinasura ng DOJ ang reklamong inciting to sedition. Nanindigan si Lim na inosente ang Bise Presidente alinsunod sa batas, at tiwala siyang madi-dismiss ang mga kaso.
Sinabi ni DOJ spokes-person Polo Martinez na naihain na sa Clerk of Court ng QCRTC ang kaso, kaugnay sa naging pahayag ni Duterte noong 2024 na kalaunan ay pinabulaanan niyang “taken out of context.”
- Latest



















