Pangulong Marcos: Flood control epektibo, pero bitin pa

MANILA, Philippines — Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na epektibo ang mga kasalukuyang flood-control operations sa Metro Manila ngunit marami pang kailangang gawin upang tuluyang mabawasan ang pagbaha.
Nag-inspeksiyon kahapon ang Pangulo sa Alido River sa Las Piñas kung saan inilagay ang high-vacuum self-priming drainage trailer pump na layong pababain ang lebel ng tubig at makatulong sa pagbawas ng baha sa mga kalapit na lugar.
Pinansin ng Pangulo ang pagbuti ng sitwasyon sa Metro Manila sa kasagsagan ng Habagat.
“Mukhang nagkaroon naman ng epekto, hindi ganoon kalala ang pagbaha, medyo nabawasan,” ani Marcos.
Binanggit ng Pangulo na inatasan niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ipagpatuloy ang dredging o pagpapalalim at paglilinis ng mga daluyan ng tubig. Aniya, dati ay umaabot sa apat na talampakan ang baha sa Las Piñas ngunit ngayon ay hanggang tuhod na lamang.
“So effective naman ang ating ginagawa ngunit alam naman natin kulang pa rin ‘yan, marami pa rin tayong kailangan gawin,” dagdag ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, nagkaroon ng moratorium sa dredging sa loob ng 12 taon, at ang muling pagsasagawa nito ay nakatulong upang mapataas ang kapasidad ng mga daluyan ng tubig. Binanggit din niya ang pangangailangang makumpleto ang spillway sa Las Piñas upang mas mabilis na mailabas sa dagat ang tubig.
Inatasan din ni Marcos si DPWH Secretary Vince Dizon na repasuhin ang mga plano para sa proyekto.
Kasabay nito, nanawagan ang Pangulo sa mga lokal na pamahalaan at residente na tiyakin ang maayos na pagtatapon ng basura dahil sa malaking dami ng basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig. Ipinahayag din niya ang planong muling buhayin ang waste-to-energy program kung saan gagawing kuryente ang mga basura.
- Latest















