Kamote, Mango, Bacon, Keso, Pampano tumanggap ng confidential funds

MANILA, Philippines — Lumutang ang 23 kaduda-dudang pangalan, kabilang sina Kamote, Mango, Bacon, Keso, at Pampano sa mga Acknowledgment Receipts (ARs) ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay sa paggamit ng confidential funds noong 2023, ayon sa testimonya ni COA Supervising Auditor Xylene Mae del Campo sa Senate Impeachment Court.
Ipinakita ng prosekusyon ang mga AR na isinumite ng OVP sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) bilang tugon sa audit observations.
Lumitaw rin ang mga apelyidong “Revilla,” “Hontiveros,” “Diokno,” at “Lapid” sa mga dokumento. Binanggit ni Kapunan na maaaring may kaugnayan ang “Beth Revilla” sa dating Sen. Bong Revilla, “Clarisse Hontiveros” kay Sen. Risa Hontiveros, at “Jose Diokno Jr.” kay Rep. Jose “Chel” Diokno. Dalawa namang may apelyidong “Lapid” ang nakatala, na binirong posibleng kamag-anak ni Sen. Lito Lapid.
“Tinanong mo ba kung sino ito at kung related sila sa presiding officer natin?” tanong ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan kay del Campo, na tumutukoy sa aktres na si Heart Evangelista — asawa ni Sen. Francis Escudero, presiding officer ng impeachment trial. Sagot ni del Campo, hindi tungkulin ng ICFAO na beripikahin ang mga pangalan sa AR.
Batay sa mga dokumento, tumanggap si Piattos-Lim ng P140,000 para sa pagbili ng impormasyon; P150,000 si Bacon; P250,000 si Santiago para sa supplies; at P500,000 si Villegas para sa medical at food aid.
Samantala, sa ikatlong quarter mula Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, lumutang ang mga pangalang Beverly Claire Pampano, Matthew Keso, Nova Santos, Salah Casim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Kokoy Villamin, Contis Connor Adrian, Honeylet Camille Sy, Kristine Applegate Estrada, at Denise Tanya Escudero.
Ayon kay del Campo, nakatanggap ang mga ito ng iba’t ibang halaga: P250,000 kay Keso, P200,000 kay Kamote, P50,000 kay Mango, at P120,000 kay Escudero.
- Latest

















