Trike nabagsakan ng puno, 2 pasahero sugatan

MANILA, Philippines — Dalawang pasahero ng tricycle ang nasugatan makaraang mabagsakan ang mga ito ng nabuwal na punong kahoy sa gitna ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa highway ng Brgy. Pulung Cacutud, Angeles City, Pampanga, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nangyari ang insidente sa bahagi ng Pulong Cacutud-Sapalibutan Road, Brgy. Pulung Cacutud ng lungsod dakong alas-7:36 ng gabi. Kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang pampasaherong tricycle lulan ang dalawang lalaki nang biglang matumba ang malaki at matanda nang punongkahoy sa tabi ng kalsada. Aksidente namang tumama sa bahagi ng sidecar ng tricycle ang malaking puno na ikinasugat ang dalawang lalaking pasahero.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at isinugod sa pagamutan ang dalawang biktima. Pansamantala namang isinara sa trapiko ang lugar habang nagsasagawa ng clearing operation sa nabuwal na puno.
- Latest
















