NLEX dadalawa sa TNT sa 2nd round

MANILA, Philippines — Muling magkukrus ang landas ng NLEX at nagdedepensang TNT Tropang 5G, habang ipaparada ng Converge si balik-import Cameron Clark sa second round ng PBA Season 50 Governors’ Cup.
Magkikita ang Road Warriors at Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng FiberXers at Terrafirma Dyip sa alas-5:15 ng hapon sa Ynares Center, Antipolo City.
Solo pa rin ng NLEX ang liderato sa Group A sa kanilang 6-1 record kasunod ang San Miguel (6-2), TNT (4-3), Converge (3-4), Terrafirma (3-4), guest team Macau (2-6) at Titan Ultra (2-6).
Sosyo sa itaas ng Group B ang Rain or Shine at Phoenix sa magkatulad nilang 4-2 baraha kasunod ang Blackwater (3-3), Magnolia (3-3), Barangay Ginebra (2-3) at Meralco (2-3).
Namantsahan ang dating malinis na kartada ng Road Warriors matapos ang 109-114 kabiguan sa Dyip, habang kumonekta ng 114-80 panalo ang Tropang 5G kontra sa Giant Risers sa huli nilang mga laro.
Pinabagsak ng NLEX ang TNT, 88-83, para walisin ang first round bago natapilok sa Terrafirma.
“A lot of credit goes to TNT. They have a group that plays extremely hard. They kind of made our game sloppy with their hustle. They’re super active on defense with all five players on the floor,” ani Road Warriors coach Jimmy Alapag.
Ang matibay na depensa pa rin ang gagamitin ng Tropang 5G para makadiretso sa ikalawang sunod na arangkada.
Samantala, isasalang ng FiberXers si Cameron Clark, dating naglaro para sa Road Warriors at Beermen, laban sa Dyip.
Pakay ng Converge na wakasan ang kanilang apat na dikit na kamalasan sa pagsagupa sa Terrafirma na target ang back-to-back wins para sa tsansang makasampa sa eight-team quarterfinal cast.
- Latest






















