3 suspek na nambudol sa 2 estudyante, timbog

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Barangay Quirino 3-A sa Aurora Blvd. Cubao, Quezon City ang tatlong lalaki na nambiktima ng dalawang estudyante na katatapos lamang na mag-exam nitong Huwebes.
Batay sa kuha ng CCTV ng barangay, kita ang pagharang at pagsita ng mga suspek na sina alyas “Ben”, alyas “Gio” at alyas “Mar” sa mga biktimang sina alyas “Allan” at alyas “Simon”, na kapwa estudyante sa isang eskinita.
Unang inakusahan ng mga suspek ang isa sa mga biktima na suspek sa pambubugbog umano sa kapatid ng isa sa mga suspek.
Umalis ang dalawang suspek kasama ang isa sa mga biktima at pilit na hinihingi ang cellphone nito habang naiwan sa eskinita ang isa pang suspek at isa pang biktima.
Ang hindi alam ng mga suspek,naka-monitor na ang mga tauhan ng Brgy. Quirino sa kanilang modus at agad na rumesponde at tinungo ang lugar.
Nasakote ang tatlong suspek na nag-alibi pa na kaibigan nila ang mga biktima. Itinanggi naman ito ng mga biktima.
Lumilitaw na matagal ng sinusubaybayan ng tatlog suspek ang mga biktima. Mahaharap sa kasong robbery ang mga suspek.
- Latest





















