NPD chief sa mga tauhan: ‘Iwasan ang tukso’
MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Northern Police District (NPD) chief PBGen. Benliner Capili ang kanyang mga tauhan na iwasan ang mga “tukso” upang hindi masangkot sa anumang anomalya at kaso.
Ang pahayag ni Capili ay kasunod ng pagkaka-aresto sa dalawang pulis Caloocan na may ranggo na Staff Sgt. at Master Sgt. dahil sa pagbebenta ng baril.
Sinabi ni Capili na kailangan labanan ng kanyang mga tauhan ang anumang uri ng temptation na magdudulot ng problema sa kanilang pamilya at career. Hindi rin umano siya mangingimi na sibakin ang mga ito kung makasisira lamang sa pagsesrbisyo sa publiko.
Una nang sinabi nina Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. at National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Anthony Aberin na titiyakin nilang madidismiss sa serbisyo ang dalawa na nakasisira sa imahe ng PNP.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang PNP-issued firearms na Pietro Beretta Model 92 DS 9mm pistol, Taurus 9mm pistol, .38-caliber revolver 12-gauge shotgun, marked buy-bust money, dalawang cellphones at dalawang motorsiklo. Sinampahan na rin ng kasong paglabag sa Sections 28 at 29 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasong administratibo ang mga suspek.
- Latest





















