Bagsik ng ‘Habagat’
Hindi na bago sa atin ang hagupit ng habagat, pero nitong Sabado, muling pinakita ng southwest monsoon ang kanyang bagsik. Hindi lang ulan ang bumuhos, parang hinagpis ng langit na ibinagsak sa lupa.
Sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa Luzon nagmistulang dagat ang lahat ng pangunahing kalsada, nilamon ng tubig ang mga barangay, naipit ang mga sasakyan sa baha, naglakad sa tubig na hanggang tuhod o dibdib ang mga manggagawa makauwi lang, nagbagsakan ang mga puno at poste, nagdulot pa ng landslide.
Ang habagat ay hindi lamang ulan. Isa itong paalala ng ating kahinaan sa harap ng kalikasan. Taun-taon, paulit-ulit ang eksena: baha, pagkasira ng kabuhayan. Ngunit tila ba hindi pa rin natututo ang pamahalaan at ang publiko. Ang mga estero ay barado dahil ginawang basurahan, sablay na mga flood control at gobyernong laging huli sa aksyon. Kung tutuusin, hindi na dapat sorpresa ang habagat. Ang habagat ay natural na kalamidad, pero ang pinsala ay gawa ng tao — basura, maling urban planning, at kawalan ng malasakit.
Panahon na para seryosohin ang disaster preparedness. Hindi sapat ang relief goods at evacuation centers. Kailangan ng pangmatagalang solusyon gaya ng maayos na drainage system, mahigpit na waste management, mas mabigat na parusa at mas mataas na multa laban sa mga nagtatapon ng basura kung saan-saan, dahil ito ang pangunahing sanhi ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang lungsod.
Ang habagat ay hindi mawawala, pero ang pinsala nito ay maaaring mabawasan kung may malasakit lang ang bawat isa. Ang baha ay hindi lamang tubig na bumabalot sa ating mga kalsada. Isa itong salamin ng ating kapabayaan. Hangga’t hindi natin tinatrato ang kalikasan bilang kaagapay, paulit-ulit tayong lulubog.
- Latest




















