Metro Manila nalubog sa Habagat

MANILA, Philippines — Nalubog sa baha ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa walang tigil at malalakas na pag-ulan na dulot ng southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat nitong Sabado.
Batay sa pinagsamang monitoring ng Office of Civil Defense – National Capital Region (OCD-NCR) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), malaking bahagi ng Quezon City ang binaha kabilang ang mga barangay ng Roxas, Del Monte, Vasra, Sienna, Lourdes, Manresa, Sto. Domingo, Santol, Tatalon at Paang Bundok.
Sa Valenzuela City, binaha ang bahagi ng MacArthur Highway na umabot sa kalahati ng gulong at hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Sa Maynila, umabot sa gutter deep ang pagbaha sa Taft Avenue southbound ngunit nadaraanan pa ng mga behikulo.
Sa Makati City, nakapagtala ng baha sa EDSA Estrella southbound, gutter deep, ngunit nadaraanan ng lahat ng sasakyan.
Bukod sa Metro Manila, ilang lugar sa CALABARZON ang nakaranas din ng pagbaha.
Nagpapatuloy ang monitoring sa iba pang flashflood-prone areas sa Metro Manila at mga lugar na apektado ng malalakas na ulan.
Sa ulat ng Pagasa, maulan sa ibat ibang panig ng bansa laluna sa Luzon at Visayas dahil sa Habagat na pinalakas ng bagyong Dolphin.
Namataan ang bagyong Dolphin sa layong 825 kilometro hilaga hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Taglay ni Dolphin ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kph at pagbugso na 185 kph.
Ayon sa Pagasa, mababa ang tsansa na pumasok sa PAR si Dolphin at walang direktahang epekto sa bansa.
Gayunman hinahatak ni Dolphin ang habagat kaya maulan sa Occidental Mindoro, Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, at Antique hanggang ngayong Linggo.
Samantala, isa nang tropical depression ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng PAR.
Namataan ito sa layong 2,675 km silangan ng Northern Luzon sa labas ng PAR. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kph at pagbugso na 55 kph.
Ayon sa Pagasa, mababa ang tsansa na pumasok sa PAR ang naturang weather disturbance at mababa ang tsansang makaapekto sa bansa.
- Latest
























