Pagbaligtad ng ‘Maleta Boys’ nakakagulat
Nagulantang ang madlang people sa biglang pagbaligtad ng apat sa 18 na tinaguriang “Maleta Boys” o bodyguards ng puganteng si dating AKO Bicol Rep. Zaldy Co.
Anyare?! Tanong ng mga DDS sa social media na unang sumuporta sa Maleta Boys na binansagan ding mga “Bagman” ni Co. Maalala na nagkakaisang umamin ang Maleta Boys na sila mismo ang naghatid ng milyun-milyong pera na nakasilid sa mga maleta na tinawag pa nilang “basura” para sa mga kilalang personalidad at government officials.
Inisa-isa pang tinukoy ng Maleta Boys na naghatid sila ng “basura” sa mismong tahanan ni dating House Speaker Martin Romualdez, Sen. Chiz Escudero at iba pang opisyal ng gobyerno. Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang anak na si Rep. Sandro Marcos ay idinawit nila na nakinabang sa flood control scheme na nahatiran din ng mga maleta.
Kaya naman umalma noon ang Malacañang at sinabing basura at walang kredibilidad ang testimonya ng Maleta Boys.
Pero ngayon, tila nag-iba ang ihip ng hangin. Kumikilos na ba ang malaking halaga ng pera?”
Nang maaresto at makulong sina Senador Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor, napuna ng mga malilikot ang imahinasyon sa pananahimik ng Maleta Boys at maging ang kanilang legal counsel na si Atty. Levy Baligod nang masampahan sila ng cyberlibel case. Iniwan na ba sila sa ere ng kanilang mga “handler”, “financer”, “director” at “scriptwriter” o sadyang may nag-alok muli ng malaking pera para bumaliktad ang apat?.
Hinala naman ni Ombudsman Boying Remulla, posibleng si Romualdez ang nasa likod sa pagbawi ng 4 na Maleta Boys sa kanilang testimonya.
Iginiit ng apat na wala naman talaga silang direktang kaalaman sa anila’y “basura” o maleta ng pera at tanging trabaho nila ay magsilbing bodyguard kay Co. Ang galling ‘di ba? Parang naloko at napaikot na naman ang taumbayan nito.
Ibinunyag pa na pinangakuan lamang sila ng malaking halaga ng pera para raw sa gawa-gawang “blackmail scheme” sa mga opisyal ng gobyerno sa kontrobersyal na flood control projects.
Pero teka, bakit sumabay naman si ex-Sen. Antonio Trillanes IV matapos naman niyang bawiin ang kasong isinampa nito laban sa 4 na Maleta Boys. Ayon sa dating senador, inalis na niya ang 4 na Maleta Boys sa asunto dahil sa pagbawi nila sa kanilang alegasyon laban kina Romualdez, PBBM at iba pa.
- Latest




















