Amo, helper arestado sa drug-bust

MANILA, Philippines — Kalaboso ang mag-amo na rice seller at helper nang magbenta sa undercover police ng iligal na droga, sa Las Piñas City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Glenn Oliver Cinco ang negosyanteng si alyas “Nerissa”, 34 at tauhan na si alyas “Eugene”, 26. Nakatakdang isailalim ang dalawa sa inquest proceedings sa Las Piñas City Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession) sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ikinasa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng SPD ang operasyon alas-10:50 ng gabi ng Agosto 6, sa Brgy. CAA BF International, sa naturang lungsod.
Nasamsam sa mga suspek ang 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000 at tatlong plastic sachet na may lamang 20-gramo ng high-grade marijuana o kush na may halagang P30,000, at narekober ang marked-money at cellphone na gamit sa ilegal na transaksiyon.
- Latest
























