2-anyos todas sa suntok ng sadistang amain

MANILA, Philippines — Dahilan lamang umano sa pag-iyak, nasawi ang isang 2-anyos na batang lalaki sa malakas na suntok at pinsala sa ulo na kaniyang tinamo sa sadistang amain sa bayan ng Naval, Biliran, Bohol kamakailan.
Sa report ng Biliran Police Provincial Office (PPO), ang biktima ay binawian nang buhay matapos na isinugod sa Biliran Hospital sanhi ng internal hemorrhage o pamumuo ng dugo sa kaniyang ulo.
Arestado naman ang 27-anyos nitong stepfather na ngayo’y nahaharap sa kasong murder sa pagpatay sa anak ng kaniyang live-in partner.
Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Agosto 1 dakong alas-10:30 ng gabi matapos na maiwan ang bata sa pangangalaga ng kaniyang stepfather sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Catmon sa bayan ng Biliran.
Ayon sa imbestigasyon, pinagsusuntok ng suspect ang bata dahilan ayaw nitong tumigil sa pag-iyak matapos na umalis ang ina na hindi pa nakuntento ay itinulak pa ang bata, bunsod upang tumama ang ulo nito sa bato.
Positibo namang itinuro ng 4-anyos na nakatatandang kapatid ng bata ang suspect na may kagagawan sa krimen.
Sinaklolohan ang bata ng kanilang mga kamag-anak na isinugod sa pagamutan habang tumakas naman ang suspect. Nasakote ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspect matapos ang ilang oras na ngayo’y humihimas na ng rehas na bakal.
- Latest

















