Bigwas ng kalikasan at korapsyon ang dahilan
BAGSIK ng bagyo, baha, lindol at buhawi ang magkakasabay na sumasalanta sa buong bansa ngayon. Matapos ang nakakikilabot na baha sa Davao Region ay Northern Luzon naman ngayon ang binabanatan ng bagyong nagmula malapit sa West Philippine Sea. Ipinararamdam na ng langit ang bangis na dulot ng katampalasanan natin sa kalikasan.
Maselan ang panahong nararanasan ng mamamayan ng Gitnang Luzon hanggang Metro Manila kaya’t kinakailangan suspindehin ang klase sa mga paaralan at maging pagpasok sa trabaho ng mga manggagawa upang makaiwas sa maaring maging pinsala sa katawan.
Naghahanda na ng posibleng rescue operations at ayuda sa mga masasalanta ang mga Local Officials, DSWD at DOH sa mga lugar na tatampalasanin ng kalamidad at kinasasabikan naman ng mga naglalaway na mga Barangay Officials. Masaya na naman si Kapitan. Buseeet!
Mainit na isyu pa rin ang impeachment trial ni VP Sara na lalong nagpapainit sa daloy ng pulitika na labis namang nakakaperwisyo sa seguridad at kaunlaran ng buong bansa. Imbes na liderato sa pag-asenso ang atupagin ng mga ibinoto ng mamamayan ay talamak na pandarambong ang ginagawa ng mga hunghang na opisyales ng bayan.
Nadadamay na rin sa negatibong isyu maging ang mga iba’t ibang relihiyon at ang mga nagsulputang Christian Fellowships na ang katuruan ay para sa kaligtasan ng sanlibutan dahil sa katiwaliang pagnanakaw na kinasasangkutan ng ilan nilang miyembro. Hintayin natin ang parusa ng langit sa kanila.
Ang lahat ng hirap ay daranasin ng mga Pilipino hangga’t hindi nagkakaisa ang kaisipan ng mamamayan. Nangungulelat na tayo sa Asya at kaya lamang tayo nakakaporma ay dahil sa pangungutang. Malapit na nating maranasan ang masakal sa kapangyarihan ng mga dayuhan kapag hindi tayo nagbago ng kaisipan. Nilamon na ng makabagong teknolohiya ang utak ng mga kabataan, samantalang wala pa ring pinagkatandaan ang karamihan sa mga magulang. “Fbutubetiktok” ang inaatupag sa buong araw. May isasaing na ba?
- Latest















