ERC sa Meralco: P9.5 bilyon isoli sa konsyumer

MANILA, Philippines — Iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) ang pagsosoli ng P9.5 bilyon sa mga konsyumer, na inaasahang bahagyang makakatulong sa mataas na singil sa kuryente.
Batay sa desisyon ng ERC na may petsang Hulyo 31, ipapasa sa mga konsyumer ang refund na katumbas ng P0.3449 kada kilowatt-hour (kWh) sa loob ng anim na buwan. Ito ay ilalagay bilang hiwalay na item sa kanilang bill sa kuryente.
Ayon kay ERC chair at CEO Francis Saturnino Juan, magsisimula ang pagpapatupad sa susunod na billing cycle matapos matanggap ang desisyon.
Sa ilalim ng proseso ng rate reset, ang isang regulated entity gaya ng Meralco ay kailangang magsumite sa ERC ng mga gastusin at iminungkahing proyekto sa loob ng takdang panahon, karaniwang limang taon, maliban kung palawigin ng regulator. Ito ang nagiging basehan ng taripa o singil na ipapasa sa mga konsyumer.
Ang bilyun-bilyong pisong refund ay kumakatawan sa pagwawasto ng presyo para sa lapsed period mula Enero hanggang Disyembre 2025. Ang lapsed period ay tumutukoy sa tagal ng panahon mula noong huling pag-update ng taripa, na maaaring makaapekto sa presyo at kita ng mga regulated entity gaya ng Meralco.
Sa panahong ito, sinisingil ang mga konsyumer gamit ang lumang taripa, na maaaring hindi na sumasalamin sa kasalukuyang gastos ng serbisyo habang naghihintay ang kumpanya ng bagong pagsasaayos ng singil.
- Latest





















