Ikatlong Pinoy, nasawi sa Black Sea

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na umabot na sa tatlo ang nasawing Pilipinong marino sa gitna ng bakbakan sa Black Sea sa pagitan ng mga puwersa ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kabuuang 236 Pinoy marino sa 17 barko ang naapektuhan ng labanan sa northern Black Sea. Sa tala ng DMW, tatlo ang nasawi, 15 sugatan, isa ang nawawala at 217 ang ligtas.
Dagdag pa ni Cacdac, 89 marino ang nakauwi na sa Pilipinas, kabilang ang ilan sa mga sugatan.
Ang unang Pinoy ay nasawi noong Hulyo 6, ang pangalawa noong Hulyo 19, habang ang ikatlo ay hindi pa malinaw kung kailan pumanaw.
Tiniyak ng DMW na tuluy-tuloy ang repatriation efforts para sa mga Pilipinong apektado. Inatasan din ang mga may-ari ng barko at manning agencies na ilipat ang mga tripulante sa mas ligtas na lugar at iwasan ang northern Black Sea.
- Latest
























