171 katao binitbit sa anti-criminality ops ng QCPD
MANILA, Philippines — Aabot sa 171 katao ang naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) sa pinaigting na anti-criminality operations na isinagawa mula Hulyo 19 hanggang 25, 2026.
Kabilang sa mga nahuli ang mga sangkot sa ilegal na droga, ilegal na sugal, paglabag sa batas sa baril, at mga wanted person.
Sa operasyon, 60 drug suspects ang naaresto at nakumpiska ang hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P663,666. Nadakip din ang 62 wanted person, kabilang ang 28 most wanted, habang anim na indibidwal ang inaresto sa anti-illegal firearms operations kung saan nasamsam ang anim na baril. Nasa 43 katao ang nahuli sa 35 operasyon laban sa ilegal na sugal.
Naaresto rin ang alyas na “Em”, isang most wanted person na nahuli makaraang magtago ng 17 taon dahil sa kasong robbery. Timbog si alyas “Ro”, na No. 3 most wanted ng La Loma Police Station, at ang alyas na “Isaac”, No. 4 most wanted ng parehong himpilan, na kapwa matagal ding nakaiwas sa awtoridad.
Ani QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, ipinakikita ng mga operasyong ito ang patuloy na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad. Pinasalamatan din niya ang publiko sa patuloy na pakikipagtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Quezon City.
- Latest























