Pagasa sa 2 water concenssionaire: Humanap ng water source
MANILA, Philippines — Hinikayat ng Pagasa ang water concessionaires na Maynilad Waters at Manila Water na maghanap pa ng dagdag na water source upang patuloy na masuplayan nang sapat na tubig ang Metro Manila at karatig lalawigan sa panahon ng Super El Niño.
Ito ayon sa Pagasa dahil hindi na tumaas pa ang water level ng Angat dam sa Bulacan na nagsusuplay ng 90 percent ng tubig sa Metro Manila.
Kahapon ng alas-8 ng umaga, July 25 ay umaabot na lamang sa 150.60 meters ang water level sa Angat dam malayo ito sa normal water level na 210 meters.
Ayon sa Pagasa, walang naitulong ang ulan ng bagyong Kiyapo para mapataas ang water level sa Angat dam. Ang bagyong Kiyapo ay sumentro sa Northern Luzon.
Gayundin, bumaba ang water level sa iba pang dam sa bansa. Ang Ipo dam ay nasa 99.48 meters ang water level kahapon ng umaga, mababa ito sa 101.10 normal water level, La Mesa dam na nasa 79.23 meters kahapon, mababa sa 80.15 meters na normal water level
Mababa rin ang water level ng San Roque dam na nasa 227.13 mababa sa 280 meters na normal water level. Ambuklao dam na nasa 741.43 meters na water level mababa sa 752 meters na normal water level. samantalang ang Pantabangan dam naman ay nasa 176.18 meters kahapon na mababa sa 216 meters normal water level at Magat dam na may 160.70 meters na mas mababa sa 190 meters na normal water level.
Pinawi naman ng Maynilad Waters at Manila Waters ang pangamba ng Pagasa sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat dam dahilan sa mayroon namang ibang mapapagkunan ng suplay ng tubig para sa Metro Manila tulad sa Laguna lake, Wawa dam, at iba pang ground sources.
Kahit na umano may Super El Niño, walang magaganap na water interruption sa Metro Manila maliban na lamang kung may maintenance work sa kanilang concession areas tulad ng pagpapalit ng lumang mga tubo ng tubig at repair sa tumatagas na tubig.
- Latest






















