Romero, Pacquiao saludo sa bagong AFP chief

MANILA, Philippines — Pinuri nina Brig. Gen. Mikee Romero (Res.), chairman ng Association of Reservists and Reservist Administrators of the Philippines Inc. (ARRAPI), at Col. Manny Pacquiao (Res.), board member ng grupo, ang pagkakahirang kay Lt. Gen. Antonio Nafarrete bilang ika-61 Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa ARRAPI, matagal nang ipinaglaban ni Nafarrete ang kapakanan at propesyonal na pag-unlad ng mga reservist. Bilang dating commander ng Western Mindanao Command at Commanding General ng Philippine Army, binuksan niya ang mas maraming oportunidad sa pagsasanay, pagpapaunlad ng propesyon, at aktibong paglahok ng mga reservist sa operasyon ng regular na hukbo.
Binigyang-diin ng asosasyon ang suporta ni Nafarrete sa ROTC at sa Total Defense Force Concept, na kinikilala ang mahalagang papel ng mga reservist sa pambansang depensa. Isa sa kanyang inisyatiba ang paggawad ng Philippine Army Aviation Badge sa isang reservist—kauna-unahang pagkilala sa kasaysayan ng Army.
Dagdag pa ng ARRAPI, ipinakita ni Nafarrete na walang dapat na pagkakaiba sa pagtrato sa regular at reserve personnel pagdating sa dedikasyon, kakayahan, at serbisyo sa bayan. Anila, ang kanyang pamumuno ay nagbukas ng pantay na pagkilala at mas maraming oportunidad para sa mga reservist na tumutupad sa mataas na pamantayan ng propesyonalismo.
- Latest


















