EDITORYAL —- Financial records ni Sara, bulatlatin
PINAKAMABIGAT na tanong ngayon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay kung dapat bang buksan o ipasumite sa impeachment court ang kanyang bank, tax, at AMLC-related records, pati na ang ilang dokumentong may kaugnayan sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio. Hindi ito basta usapin lamang ng mga dokumento. Ang tunay na pinag-uusapan dito ay kung hanggang saan maaaring suriin ng impeachment court ang financial records ng mataas na opisyal kapag ang mga alegasyon ay may kinalaman sa unexplained wealth, maling paggamit ng confidential funds, at paglabag sa tiwala ng publiko.
May punto ang depensa na hindi dapat basta-basta binubuksan ang pribadong financial records ng sinuman. May karapatan sa privacy. May bank secrecy laws. May due process. Hindi rin dapat pahintulutan ang subpoena kung ang layunin lamang nito ay maghanap ng ebidensiya matapos maisampa ang kaso. Kapag masyadong malawak ang hinihinging mga rekord at hindi malinaw ang dahilan kung bakit kailangan ang bawat isa, maaaring mauwi ito sa “fishing expedition”.
Pero may punto rin ang prosecution: paano susuriin ang alegasyon ng unexplained wealth kung ang mga dokumentong maaaring magpakita ng kita, ari-arian, transaksyon, at financial activity ay mananatiling sarado? Kung ang kaso ay tungkol sa pera, dokumento tungkol sa pera ang dapat tingnan. Dito dapat pumasok ang papel ng Senate impeachment court. Hindi dapat matakot sa ebidensiya.
Ang kailangan ay balanse. Kung papayagan ang subpoena, dapat malinaw ang saklaw: anong records, anong taon, anong layunin, at paano ito konektado sa articles of impeachment. Dapat may safeguards para hindi maging public spectacle ang sensitibong impormasyon. Hindi dapat gawing tsismis ang bank records. Hindi dapat gamitin sa paninira ang tax documents. Pero kung may direktang kaugnayan ang mga ito sa alegasyon, hindi rin dapat gawing palusot ang confidentiality.
Ang privacy ay karapatan, pero ang public office ay hindi pribadong teritoryo. Kapag ang opisyal ay humaharap sa impeachment, hindi sapat ang pagsasabing “confidential” ang dokumento. Timbangin ng hukuman kung mas mabigat ang proteksiyon sa impormasyon o karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan.
May kasaysayan na ang bansa sa ganitong usapin. Sa mga nakaraang impeachment trial, nakita kung paano maaaring maging simbolo ng takot o tapang ang pagbubukas ng ebidensiya. Kapag hinaharang ang mahahalagang dokumento nang walang sapat na paliwanag, lalong lumalalim ang duda. Kaya ang tanong sa Senado ngayon ay hindi lang kung bubuksan ba ang records. Ang mas malaking tanong: kaya ba nitong magdesisyon nang may tapang, linaw, at respeto sa batas? Hindi dapat maging fishing expedition ang impeachment trial. Pero hindi rin ito dapat maging paglilitis na umiiwas sa ebidensiya. Dapat manaig ang katotohanan.
- Latest

















