Imago (57)
SA gitna ng dilim, kinapa ng kamay ni Maya ang pader hanggang sa maramdaman niya ang isang malapad na bakal na pinto: Storage Room C.
Ito na ‘to. Bulong ni Maya. Inalis niya ang kumpol ng mga susi na nakatago sa kanyang bulsa. Sa itaas, naririnig niya ang mga yabag ng paa ng lalaki na totoong may-ari ng mga susing hawak niya. Palapit na ng palapit ang yabag sa direksiyon ng hagdanan kung saan siya dumaan para makarating sa kinaroroonan niya ngayon.
Dahil dito, nanginginig ang mga daliri ni Maya habang ginagamit ang kanyang pakiramdam upang isa-isahing isuksok ang mga susi.
Ang unang susi: masyadong malaki. Hindi pumasok.
Ang ikalawang susi: pumasok, ngunit ayaw umikot.
Bumibilis ang yabag ng mga bota at tila malapit na ito sa hagdan pababa. Pinagpawisan ang kanyang mga palad. May nakapa siyang isang susi na mas maliit at may kakaibang hugis. Nang susubukan na niya ito, humulagpos ang buong kumpol ng susi mula sa kanyang kamay.
KLANG!
Umalingawngaw ang matinis at napakalakas na kalansing ng bumagsak na bakal sa sementadong sahig ng makipot na pasilyo. Tumigil ang mga yabag sa itaas ng hagdanan. Sa gitna ng muling paghahari ng katahimikan, nanalangin si Maya na sana’y walang nakarinig. (Itutuloy)
- Latest
















