Pagbusisi sa financial docs ni VP Sara pabor sa lahat
MANILA, Philippines — Naniniwala ang House Prosecution Panel na makabubuti sa lahat ng panig—prosekusyon man o depensa—ang pagkuha, pagbubukas, at masusing pagsusuri sa mga bank records, tax records, at iba pang dokumentong pinansyal ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio sa gitna ng impeachment trial.
Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong, napakahalaga ng mga dokumentong hinihingi upang magkaroon ang mga senator-judges ng tumpak na batayan sa pagbuo ng makatarungan at walang kinikilingang pasya.
Giit niya, lumalakas ang panawagan ng publiko na magpalabas ng subpoena para sa bank, tax, at AMLC records upang matukoy ang buong katotohanan sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Dagdag pa ni Adiong, ang pagbubukas ng mga dokumento ay hindi lamang pabor sa prosekusyon kundi maaari ring makatulong sa depensa. Aniya, “It’s a question of whether the people really deserve to know the truth, the whole truth and nothing but the truth.”
Samantala, sinabi ni House prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr. na ang kasalukuyang usapin ay presentasyon pa lamang ng ebidensiya at hindi pa paghatol. Ayon sa kanya, ang pagsusuri sa mga dokumento ay magbibigay ng pagkakataon sa parehong panig na maipaliwanag sa publiko ang tunay na kalagayang pinansyal ng Bise Presidente.
Binanggit ni Tolosa ang AMLC records na nagpakita ng P6.7 bilyong transaksiyon na iniuugnay kina Duterte at Carpio, kumpara sa P80 milyong net worth na idineklara sa SALN ng Bise Presidente. Giit niya, kung tama ang depensa na maling interpretasyon lamang ang naganap, mas makabubuti para sa lahat na buksan ang mga bank records upang tuluyang malinawan ang publiko.
- Latest



















