Eala tumulak na pa-Amerika

MANILA, Philippines — Balik Amerika na si Alex Eala para doon simulan ang traning camp nito para sa hard court season.
Umalis na kahapon si Eala matapos ang isang linggong pananatili nito sa Maynila para sa iba’t ibang events kabilang na ang meet and greet at ang pagbisita nito sa Malacañang Palace.
Ngunit tapos na ang mga kaganapan kaya’t isesentro na ni Eala ang atensiyon nito sa hard court season.
Unang lalahukan ni Eala ang Mubadala Open sa Washington D.C na lalarga sa susunod na linggo.
Bago magsimula ang hard court season ni Eala, bumaba ito sa No. 29 spot sa WTA rankings na inilabas din kahapon.
Hindi naman nabawasan ang puntos ni Eala na nananatiling may 1,666 puntos.
Subalit umangat si dating Wimbledon champion Barbora Krejcikova ng Czech Republic na sumulong sa No. 26 spot mula sa kanyang dating puwesto na No. 32.
Malaking tulong para kay Krejcikova nang magkampeon ito sa Athens Open na ginanap sa Greece. Ang Athens Open ay isang WTA 250 event para sumulong ito sa 1,680. puntos.
Gayunpaman, inaasahang muling aangat si Eala sa oras na magsimula ang kampanya nito sa hard court.
Una na ang Mubadala Open kung saan isa ito sa mga seeded players sa singles.
Lalaban din si Eala sa doubles kasama si dating Grand Slam champion Venus Williams ng Amerika.
“It’s a continuous process, my journey in professional tennis. It’s already been so long, but it’s only getting started,” ani Eala.
Ayaw ni Eala na magbigay ng prediksiyon sa magiging laban nito.
Nais ng Pinay netter na gamitin ang approach na one game at a time.
- Latest




















