Giant pandas binaon pa ng Tropang 5G

MANILA, Philippines — Naglustay ng higanteng bentahe ang Talk ‘N Text bago umeskapo kontra sa kulelat na Macau, 106-103, para sa magandang panimula ng pagdepensa nito sa kampeonato sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Umalagwa ng hanggang 18 puntos ang Tropang 5G kabilang na ang akala nila’y komportableng 104-89 abante sa huling 3 minuto subalit kailangang pigilan ang balikwas ng guest team na Giant Pandas para sa 1-0 kartada sa Group A.
Kumamada ng 23 puntos, 6 rebounds at 3 assists sahog pa ang 1 steals si Days para sa winning debut din sa PBA matapos mapurnada ang pagsabak sana noong Commissioner’s Cup bilang replacement import ng injured na si Bol Bol.
Parehong puntos ang iniambag ni Rey Nambatac habang may 21 puntos din si Roger Pogoy para sa mga tropa ni Reyes.
May kontribusyon ding 11 at 9 puntos sina Glenn Khobuntin at Kim Aurin, ayon sa pagkakasunod, upang punan ang kawalan nina Calvin Oftana, Jayson Castro, Brandon Ganuelas-Rosser at Poy Erram na umiinda ng iba’t ibang injuries.
Kahit wala ang 4 na pambato, kontrolado ng TNT ang laro at lumamang pa ng hanggang 101-83. matapos ang tres ni Pogoy sa huling 5 minuto.
Komportable pa ang TNT sa huling 3 minuto bitbit ang 104-89 na bentahe bago yumukod sa pambihirang 12-0 ratsada ng Macau na tinuldukan ng freethrow ni De’Vonde Perry upang makalapit sa hangang 101-104.
Split ang freethrows ni Pogoy para palawigin ang lamang ng TNT sa 105-101 subalit 2 lang din ang na-shoot ni Damian Chongqui sa 4 na free throws bago selyuhan ni Nambatac ang panalo.
Tumikada ng 36 puntos at 10 rebounds si Perry, sa ikaapat na sunod na kabiguan ng Giant Pandas.
- Latest


















