Road rage: Truck driver binaril ng barangay chairman!

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang barangay chairman matapos nitong barilin sa hita ang isang truck driver sa gitna ng mainitang pagtatalo sa alitan sa trapiko sa kahabaan ng national highway sa Guagua, Pampanga, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 3, dakong ala-1 ng hapon nitong Biyernes nang masakote ang suspect o 12 oras matapos ang pamamaril sa follow-up operations sa Brgy. Sta Maria, Lubao ng lalawigang ito.
Gayunman, tumanggi ang pulisya na tukuyin ang pagkakakilanlan ng suspect na isang 42-anyos na brgy. chairman sa bayan ng Lubao.
Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente matapos na magkagitgitan ang Ford pickup truck na minamaneho ng suspect at ang cargo truck sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, Guagua ng lalawigang ito dakong ala-1:20 ng madaling araw nitong Biyernes.
Sa gitna na komprontasyon ay bumunot ng baril ang driver ng pickup at binaril ang 28-anyos na driver ng truck na tinamaan sa kanang hita.
Ang biktima ay isinugod sa pagamutan ng mga nagrespondeng rescue team habang mabilis na tumakas ang suspect. Gayunman, sa pamamagitan ng pagrebyu sa closed circuit television (CCTV) footage ay natukoy ng mga awtoridad ang behikulo at nasakote ang nasabing tserman.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang baril na ginamit ng suspect na isasailalim sa forensic examination.
Nahaharap sa kasong kriminal ang nasabing pasaway na barangay official.
- Latest



















