Benitez isinusulong AI Law
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Negros Occidental Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez ang Artificial Intelligence Development and Regulation Act na layong pabilisin ang pag-unlad at responsableng paggamit ng AI sa bansa.
Ayon kay Benitez, “We studied Brussels, Washington, and Beijing, but we are writing a Filipino law, one that works for the farmer, the teacher, and the small business owner.” Siya ang chairman ng technical working group (TWG) sa ilalim ng House Committee on ICT.
Mahigit 60 stakeholders mula sa gobyerno, industriya, akademya, at civil society ang dumalo sa deliberasyon. Pinagsama-sama ng TWG ang 26 panukalang batas, tatlong resolusyon, at isang privilege speech para sa substitute bill na prayoridad ng Kamara.
Sa panukala, tanging high-risk AI systems ang kailangang iparehistro at sumailalim sa safety review. Pinapayagan ang mga startup na gumamit ng regulatory sandbox para sa gabay sa pagbuo at pagsubok ng AI.
Nakasaad din ang proteksyon sa mga manggagawa: bawal tanggalin ang empleyado batay lamang sa desisyon ng algorithm. Kailangan ng 60 araw na abiso at retraining bago ang displacement.
Binigyang-diin ng mga kalahok na dapat suportahan ng AI ang human autonomy, decision-making, at oversight, habang tinutugunan ang epekto nito sa kapaligiran, seguridad, at pandaigdigang supply chain.
Maaari pang magsumite ng amendments ang stakeholders hanggang Hulyo 20. Muling magpupulong ang panel sa susunod na buwan.
- Latest






















