Sen. Ping, ‘di suportado ang pagbubukas ng BIR ‘green box’
Kung walang written authorization si Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Kung walang nakasulat na otorisasyon si President Ferdinand Marcos Jr., alinsunod sa itinatakda ng batas ay hindi susuportahan ni Senator-Judge Ping Lacson ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ni Vice President Sara Duterte.
Aniya, hindi siya maaaring makibahagi sa anumang hakbang na lalabag sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema. Binigyang-diin din niya na maging ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas.
“Kung pilit i-unseal without written authority of the President, I will vote against it. That will be my personal vote na gagawin. Kasi ayokong masisi balang araw na part ako ng nag-violate ng batas,” aniya.
Nang tanungin kung maaaring ituring na pagpapakita ng pampulitikang paninindigan ng Pangulo sa impeachment ng Bise Presidente ang pagbibigay nito ng otorisasyon, sinabi ni Lacson na hindi iyon ang dapat alalahanin ng Impeachment Court.
Nakatakdang dinggin ng Impeachment Court ngayong linggo ang oral arguments kaugnay ng hiling na magpalabas ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMC), at mga bangko.
Nauna nang sinabi ni Lacson na ang paghawak sa income tax return (ITR) records ng Bise Presidente ay dapat nakabatay lamang sa batas at sa umiiral na jurisprudence.
Binigyang-diin niya na dapat lamang payagan ng Impeachment Court ang pagbubukas ng mga rekord kung natugunan ang lahat ng rekisitos ng batas, kabilang ang nakasulat na otorisasyon ng Pangulo sa ilalim ng Section 71 ng NIRC.
- Latest



















