Higit P14.2 milyong shabu, nasabat sa NAIA

MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang isang papasok na parsela na naglalaman ng mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu sa isang international cargo facility sa loob ng NAIA Complex noong Hulyo 8.
Ayon sa BOC, ang kargamento na idineklarang “Plastics and Ropes” ay isinailalim sa 100 porsiyentong physical examination matapos itong ma-flag batay sa intelligence information mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa inspeksiyon, natuklasan ang 2,102 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na nakatago sa loob ng ilang spool ng lubid. Tinatayang nasa P14.29 milyon ang standard value ng mga nakumpiskang ilegal na droga.
Isinuko na sa PDEA ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu para sa laboratory examination at karagdagang imbestigasyon, habang nagpapatuloy ang follow-up operations upang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapadala ng ilegal na droga.
- Latest

















