2 estudyante, nahulihan ng marijuana sa paaralan

MANILA, Philippines — Dalawang estudyante ang arestado matapos na mahulihan ng hinihinalang high-grade marijuana o kush sa loob ng isang paaralan sa Mandaluyong City kamakalawa. Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya ang 18-anyos na estudyante na hindi na pinangalan ng mga awtoridad habang isasailalim naman sa protective custody at ire-refer sa Bahay Pag-asa youth center ang isa pang suspek na 17-anyos lamang.
Batay sa ulat ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), naaresto ang mga suspek nang magsagawa ng pagsasaliksik sa loob ng isa sa mga silid-aralan ng naturang public school sa Barangay Addition Hills.
Isang guro umano ang nag-initiate ng search matapos matanggap ang sumbong na may estudyanteng nawawalan ng cellphone at cash.
Tinangka pa umano ng isa sa mga estudyante na tumakas ngunit napigilan ng guwardiya. Malaunan, isinuko nito sa mga awtoridad ang isang eco-bag na naglalaman ng ilang sachets ng hinihinalang kush at drug paraphernalia.
Nasita naman ang menor-de-edad na estudyante matapos na tangkaing hadlangan ang inspeksiyon.
Ayon sa pulisya, nasa kabuuang 33 sachet ng suspected kush, na tumitimbang ng 40 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P60,000 ang narekober sa mga estudyante.
- Latest



















