4 na nanaksak sa Grade 8, inilipat sa protective custody

MANILA, Philippines — Nasa protective custody na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang apat na Children in Conflict with the Law (CICL) na inaresto kaugnay sa pananaksak sa 13-anyos na estudyante sa Las Piñas City, ayon kay NCRPO Director Police Major Anthony Aberin nitong Sabado.
Binigyang-diin ni Aberin sa paalala na hindi dapat gawing pananggalang ang pagiging menor-de-edad o CICL dahil hindi ito proteksyon o makababawas ng pananagutan sa batas sa nagawang karahasan.
Ang biktima na isang Grade 8, na estudyante ng Las Piñas National High School ay nasa malubhang kalagayan na batay sa doktor ay isasailalim sa intubation at surgery dahil sa mga tinamong saksak sa leeg, collarbone, at itaas na bahagi ng likod.
Uwian mula sa klase alas-7:11 ng gabi noong Hulyo 2, nang maganap ang insidente sa labas ng paaralan matapos kursunadahin ang grupo ng biktima ng limang mga menor-de-edad ding suspek. Apat sa suspek ang armado ng patalim na nagtulung-tulong na batuhin ng hollow blocks ang grupo ng biktima, habulin, at saka saksakin ang isang biktima; habang nakaiwas ang isang tinarget din na saksakin.
Nakatakdang sampahan ng mga kasong murder at attempted murder ang mga dinakip na suspek, habang ang isa pang nakatakas ay hinahunting na ng mga awtoridad.
- Latest



















