Sanggol kumokonti dahil sa teknolohiya?
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy na bumababa ang bilang ng mga sanggol na isinisilang sa Pilipinas. Noong 2023, bumagsak pa ang total fertility rate ng bansa sa 1.9 anak bawat babae—mas mababa sa replacement level na 2.1. Kung dati ay karaniwan ang apat o higit pang anak sa isang pamilya, ngayon ay isa o dalawa na lamang. Dumarami rin ang mga mag-asawang nagpapaliban sa pagkakaroon ng anak, habang mayroon ding pinipiling huwag nang magkaanak.
Maraming dahilan sa pagbabang ito. Kabilang dito ang pagtaas ng gastusin sa pagpapalaki ng anak, mas maraming kababaihang inuuna ang pag-aaral at karera, at ang mas malawak na paggamit ng family planning. Ngunit may isa pang salik na unti-unti nang pinag-aaralan ng mga eksperto—ang epekto ng makabagong teknolohiya sa pamumuhay ng tao.
Hindi lamang ito tungkol sa smartphone. Kasama rito ang internet, social media, streaming platforms, online gaming, dating apps at iba pang digital technology na naging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay.
Wala pang konklusibong siyentipikong ebidensiya na ang paggamit ng cellphone o internet ang tuwirang dahilan kung bakit kumokonti ang mga ipinapanganak. Ngunit ipinakikita ng maraming pag-aaral na malaki ang impluwensiya ng teknolohiya sa paraan ng pamumuhay ng tao. Binabago nito ang pakikipagkaibigan, pakikipagrelasyon, pagtatrabaho, paglilibang at maging ang mga prayoridad sa buhay.
Dahil sa mas mga oportunidad sa pag-aaral, trabaho at negosyo na hatid ng teknolohiya, maraming kabataan ang inuuna muna ang pagbuo ng karera, paglalakbay, pag-iipon at personal na pag-unlad bago isipin ang pag-aasawa at pagpapalaki ng anak. Habang tumatagal ang pagpapaliban sa pagkakaroon ng pamilya, umiikli rin ang panahong maaaring magkaanak ang isang mag-asawa.
May impluwensiya rin ang social media sa pagtingin ng tao sa tagumpay. Araw-araw na nakikita ang mga larawan ng paglalakbay, bagong bahay, sasakyan at iba pang sukatan ng tagumpay. Para sa ilan, mas nagiging prayoridad muna ang mga ito kaysa ang pagbuo ng pamilya.
Hindi nangangahulugang mali ang gayong desisyon. Karapatan ng bawat tao at mag-asawa na magpasya kung kailan sila magkakaanak o kung nais ba nilang magkaroon ng anak. Ngunit kapag milyun-milyong tao ang sabay-sabay na gumagawa ng kaparehong pasiya, nagkakaroon ito ng malaking epekto sa populasyon ng isang bansa.
Marahil ay hindi ang teknolohiya ang dapat sisihin. Isa lamang itong kasangkapan. Ngunit tulad ng maraming makabagong imbensiyon, may kakayahan itong baguhin hindi lamang ang paraan ng ating pamumuhay kundi maging ang ating mga desisyon tungkol sa pag-ibig, pag-aasawa at pagbuo ng pamilya. Hindi pa nararating ng Pilipinas ang sitwasyong kinakaharap ngayon ng South Korea, Japan, China at ilang bansa sa Europe na pawang nahihirapang pataasin muli ang kanilang birth rate. Ngunit habang patuloy na nagbabago ang ating pamumuhay, mahalagang pag-aralan din ang papel ng teknolohiya bilang isa sa maraming salik na humuhubog sa kinabukasan ng pamilyang Pilipino.
* * * * * * * * * * *
Email – [email protected]
- Latest
















