Klase sa Maynila, sinuspinde sa INC rally
Ilang kalsada isinara rin
MANILA, Philippines — Sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila nitong Huwebes matapos ilipat ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang ikatlong araw ng kanilang pro-Marcoleta rally sa Liwasang Bonifacio.
Dakong alas-3:00 ng madaling araw, inanunsiyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang suspensiyon ng klase bilang pag-iingat sa inaasahang pagdagsa ng mga kalahok sa pagtitipon. Isinara rin simula alas-4:00 ng madaling araw ang ilang bahagi ng C.M. Recto Avenue, Legarda St., Magallanes Drive, at eastbound lane ng Ayala Boulevard, habang nagpatupad ng traffic rerouting ang mga awtoridad.
Batay sa crowd estimate ng Manila Police District (MPD), umabot sa humigit-kumulang 2,000 katao ang dumalo sa rally hanggang ala-1:00 ng hapon. Mas mataas naman ang pagtataya ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, na nasa 8,900 ang bilang ng mga kalahok sa parehong oras.
Ikatlong araw na kahapon ng serye ng mga rally ng INC bilang pagpapakita ng suporta kay Senador Rodante Marcoleta, na nakatakdang sampahan ng kasong plunder ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 milyon habang siya ay kongresista. Ang unang dalawang araw ng rally ay ginanap sa EDSA-White Plains Avenue sa Quezon City, ngunit inilipat sa Liwasang Bonifacio matapos hindi na mabigyan ng panibagong permit ang mga organizer para sa naunang venue.
- Latest
















