LRT-1 Cavite Extension mas pinaboran ng Las Piñeros
MANILA, Philippines — Mas pinaboran ng mga residente ng Las Piñas City ang agarang pagpapatuloy ng LRT-1 Cavite Extension Project kaysa panatilihin ang C-5 Quirino Flyover.
Ito’y batay sa survey na isinagawa ng tanggapan ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos kung saan mas nais ng mga residente na maisulong ang Phase 2 ng 3.2-kilometrong LRT-1 Cavite Extension, na kinabibilangan ng mga istasyon sa Las Piñas at Zapote.
Lumitaw sa resulta ng survey, mas malaki ang magiging pakinabang ng LRT-1 Cavite Extension dahil inaasahang magpapabilis ito ng biyahe, magpapagaan ng daloy ng trapiko, at magbibigay ng mas episyente at maaasahang pampublikong transportasyon para sa mga commuter mula Las Piñas, Parañaque, at Cavite.
Nauna nang sinabi ng mambabatas na mas praktikal na gibain ang C-5 Quirino Flyover kaysa gumastos pa ng bilyun-bilyong piso para sa paulit-ulit na redesign ng proyekto. Aniya, ang hindi pa rin nareresolbang right-of-way (ROW) issues ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng Phase 2 ng LRT-1 Cavite Extension, na sumasaklaw sa bahagi ng Las Piñas at Zapote.
- Latest

















