Parusa sa bomb threat, armas sa iskul
Hindi na biro ang usapin ng bomb threat at pagdadala ng armas sa paaralan. Ang mga insidente ng karahasan sa loob ng institusyong pang-edukasyon ay hindi lamang nagdudulot ng takot, kundi direktang sumisira sa kaligtasan ng mga guro, magulang, at higit sa lahat, mga estudyante. Kaya’t mahalagang talakayin ang mabibigat na parusang kaakibat ng ganitong mga gawain.
Nagpaalala na ang Department of Education na isang third level o critical offense ang pagdadala ng armas sa mga eskuwelahan. Expulsion ang parusa o agad na tatanggalin sa paaralan ang sinumang estudyanteng mahuhuling may dalang baril, patalim, o anumang uri ng sandata. Maaari rin itong mauwi sa kasong kriminal tulad ng illegal possession of firearms. Para sa mga menor-de-edad, maaaring ipadala sa youth detention centers bilang bahagi ng rehabilitasyon.
Samantala ang mga parusa sa bomb threat ay immediate suspension. Kahit biro lamang, ang pagbibigay ng bomb threat ay itinuturing na seryosong krimen. May kaakibat din itong criminal liability. Maaaring kasuhan ng grave threat, terrorism-related offenses, at paglabag sa Anti-Bombing Law. Ang paaralan at mga magulang ng estudyante ay maaari namang managot sa gastusin at pinsalang dulot ng evacuation at panic.
Hindi lamang ang estudyante ang may pananagutan. Ang mga magulang ay inaasahang magtuturo ng tamang asal at disiplina. Ang paaralan naman ay dapat may malinaw na security protocols upang maiwasan ang ganitong insidente. Ang gobyerno, sa kabilang banda, ay kailangang magpatupad ng mas mahigpit na batas at masinsinang edukasyon hinggil sa kapayapaan at kaligtasan.
Malinaw ang mensahe ng DepEd na ang paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar para sa pagkatuto, hindi larangan ng takot at karahasan. Ang sinumang magdadala ng armas o magbanta ng pambobomba ay hindi lamang haharap sa parusa, kundi sisira rin sa kinabukasan nila mismo.
- Latest



















