^

PSN Opinyon

Sa hukuman ang depensa, hindi sa EDSA

PULSOhan - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Ang EDSA ay hindi ordinaryong lansangan. Isa itong pam­bansang simbolo ng demokrasya, pananagutan, at pana­naig ng batas. Hindi ito dapat gawing entablado ng depensa ng sinumang pulitikong nahaharap sa seryosong usaping legal. Ang EDSA ay para sa sambayanan, hindi para sa per­sonal na laban ng sinuman.

Inihayag ng Office of the Ombudsman na naghahanda­ itong magsampa ng mga kaso kabilang ang plunder laban­ kay Sen. Rodante Marcoleta. May karapatan siyang depen­­sahan ang sarili at nananatili ang presumption of inno­cence hanggang sa magkaroon ng pinal na hatol. Ngu­nit ang depensa ay dapat iharap sa hukuman, hindi sa lansangan. Ang lakas ng argumento ay hindi nasusukat sa rami ng tao kundi sa bigat ng ebidensya.

Kung magkakaroon ng malawakang pagtitipon sa EDSA bilang suporta sa senador, mahalagang itanong kung ano ang mensaheng ipinapadala nito. Ang karapatang magtipon ay isang karapatang konstitusyonal. Ngunit iba ang paggamit ng karapatang iyon upang ipahayag ang paninindigan at iba ang paglikha ng impresyong ang lakas ng organi­sasyon ay maaaring makaimpluwensya sa pagtingin ng publiko sa isang kasong nasa proseso.

Mas nagiging sensitibo ang usapin kapag ang isang orga­nisasyong panrelihiyon ang nakikitang nangunguna sa isang mobilisasyong may malinaw na layuning suportahan ang isang pulitiko. Ang moral na impluwensya ng relihiyon ay pinakamalakas kapag hinihikayat nito ang katotohanan, pananagutan, at paggalang sa batas. Ang pinakamabuting paraan ng pagsuporta ay ang paghayaang manaig ang due process.

Hindi rin dapat maliitin ang magiging epekto ng isang malaking rally sa Metro Manila. Libu-libong manggagawa, negos­yante, estudyante, pasyente, at commuter ang maaabala. Hindi dapat maging collateral damage ang ordinaryong mamamayan sa isang usaping maaari namang resolbahin sa loob ng hukuman.

Ang demokrasya ay hindi sinusukat sa dami ng taong kayang tipunin kundi sa tibay ng mga institusyong gumagana nang walang panggigipit. Kapag ang lansangan ang nagmimistulang hukuman, ang batas ang unang nalalagay sa alanganin. Kung matibay ang depensa, iharap ito sa korte. Kung kulang ang ebidensya, ang korte rin ang magsasabi.

Ang EDSA ay minsang naging sagisag ng pagbabalik ng paghahari ng batas. Huwag nating bawasan ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa depensa ng sinumang pulitiko. Ang pinakamalakas na tinig sa isang demokrasya ay hindi sigaw ng rally—kundi isang hatol na ibinatay sa katotohanan, ebidensya, at batas.

EDSA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with