Valenzuela itatayo National Cyber Security Center

MANILA, Philippines — Pormal nang sinimulan noong Hunyo 29 ang pagtatayo ng National Cyber Security Center (NCSC) sa DICT Valenzuela Compound sa ilalim ng proyektong layuning palakasin ang kakayahan ng Pilipinas sa pagtugon sa mga cyber crisis.
Pinangunahan ang groundbreaking ceremony ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Korea International Cooperation Agency (KOICA), kasama sina DICT Secretary Henry Aguda, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Korean Ambassador Lee Sang-hwa, at KOICA Vice President Lee Yun-young.
Layunin ng proyekto na mapahusay ang information security management, makapagsanay ng mas maraming cybersecurity professionals, at higit pang mapalakas ang kooperasyon ng Pilipinas at South Korea sa larangan ng cybersecurity.
Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng pangunahing National Cyber Security Center sa DICT Valenzuela Campus at backup center sa Ilocos Norte, gayundin ang pagbuo ng pambansang sistema para sa cyber threat monitoring, information sharing, at pagpapatupad ng P-Shield cybersecurity education curriculum.
Ipatutupad ang proyekto sa loob ng limang taon sa pakikipagtulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, local government units, Critical Information Infrastructure organizations, at pribadong sektor upang higit pang mapatatag ang cybersecurity infrastructure ng bansa.
- Latest























