‘Surprise’ rally ng INC hindi threat - Palasyo
MANILA, Philippines — Walang nakikitang banta ang Malacañang sa isinagawang sorpresang rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA Monument kahapon.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang nakikitang panganib ang Pangulo dahil tiwala siya na ang kanyang mga ginagawa ay para sa kapakanan ng taumbayan.
Giit ni Castro, kung mayroon mang interes ng ibang grupo o ilang indibidwal, hindi ito dapat maging hadlang sa pagpapatupad ng Pangulo at ng administrasyon ng batas.
Dagdag pa niya, kinakailangan lamang na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad sa paligid ng Malacañang bilang paghahanda sa anumang posibleng mangyari at upang maprotektahan ang mga taong nasa loob nito.
Nilinaw din ni Castro na madaling araw pa lamang ng Martes ay naiparating na agad sa Pangulo ang impormasyon tungkol sa naturang “surprise” rally. Nirerespeto aniya ng Pangulo ang karapatan ng bawat mamamayan sa freedom of expression at freedom of assembly subalit hindi kinikilala ang mga pang-aabusong kaakibat nito.
Ang anumang pang-aabuso na maaaring makaapekto sa ibang tao ay hindi dapat palampasin, sapagkat tungkulin din ng lahat na igalang ang karapatan ng bawat isa.
Kaugnay nito, kanselado kahapon ang mga aktibidad ng Pangulo kabilang ang Foreign Correspondent Association of the Philippines (FOCAP) forum.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, ito ay dahil naka-monitor ang Pangulo sa sitwasyon sa EDSA. “Yes cancelled. The President is monitoring the situation in EDSA,” ayon kay Gomez.
Alas-6 ng umaga ng magsimula ng mahigpit ng seguridad sa paligid ng Malakanyang kung saan nagpatupad ng lockdown sa mga gate ng Arlegui at Solano gates at tanging ang JP Laurel gate lamang ang bukas.
- Latest




















