^

Punto Mo

Na-promote pero hindi tumaas ang sahod

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

May batas po ba na nagsasabing kapag itinaas ang iyong posisyon o na-promote ka sa trabaho, kailangang tumaas din ang iyong sahod? Kasi na-promote po ako, may pinirmahan ako, pero minimum wage pa rin ang sahod ko, pareho lang noong dati. – Pam

Dear Pam

Walang batas na nagsasabing kapag na-promote ang empleyado ay awtomatikong kailangan ding tumaas ang kanyang sahod. Ayon sa kaso ng NAFLU v. NLRC (G.R. No. 90739, October 3, 1991), bagama’t ang pagtaas ng sahod ay karaniwang kaakibat ng promosyon, hindi naman ito required sa ilalim ng batas. Sa kasong iyon, ang isang empleyado na itinaas ang posisyon mula Staff Engineer tungong Energy Manager nang walang dagdag na sahod ay itinuring pa ring na-promote, dahil ang mahalaga ay ang pag-angat ng kanyang ranggo at hindi ang pagbabago ng kanyang suweldo.

Mahalaga ring malaman na hindi naman obligadong tanggapin ang isang promosyon lalo na kung nasa kapareho mong sitwasyon ang isang empleyado. Ayon sa kasong Echo 2000 Commercial Corporation v. Obrero Filipino (G.R. No. 214092, January 11, 2016), ang promosyon ay itinuturing na isang uri ng reward o gantimpala, kaya nasa empleyado pa rin ang huling desisyon kung tatanggapin o tatanggihan niya ito.

Tungkol naman sa iyong sahod na minimum wage pa rin, hangga’t ang iyong employer ay nagbabayad sa iyo ng hindi bababa sa minimum wage na itinakda para sa iyong rehiyon, walang paglabag sa labor standards na nangyayari kahit hindi tumaas ang iyong suweldo pagkatapos ng promosyon. Ang minimum wage ang pinakamababang sahod na pinapayagan ng batas, at hangga’t naibibigay ito sa mga empleyado, masasabing sumusunod ang employer sa kanilang legal na obligasyon kung iyon naman ang napagkasunduan nilang sahod.

Kaya mainam na tingnan mo ang iyong employment contract. Kung may nakasaad doon na may kasamang pagtaas ng sahod kapag ikaw ay ma-promote, may batayan kang igiit ang mas mataas na sahod sa iyong employer.

Kung wala namang ganoong napagkasunduan, walang obligasyon ang employer na itaas ang iyong suweldo at ang pinakamabuting hakbang ay ang makipag-usap nang direkta sa iyong employer upang ipahayag ang kahilingan na taasan ang sahod ng nararapat para sa iyong bagong posisyon.

SALARY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with