SC: Pag-absent sa trabaho ‘di grounds sa dismissal
MANILA, Philippines — Binaligtad ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) at Court of Appeals (CA) na tuluyang matanggal sa serbisyo ang isang empleyado na lumiban ng maraming araw sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon. Iginiit ng SC na ang pagliban ay hindi sapat na patunay na inabandona na ang trabaho.
Batay sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, napatunayan ng Third Division ng SC na nagkasala ang Green Era Biotech Corp. (Green Era Biotech) at Great Value Management and Services Corporation (Great Value) sa ilegal na pagtanggal sa production utility worker na si Alvin G. Carpio. Si Carpio ay unang na-hire ng Green Era Biotech ngunit kalaunan ay inilipat sa manpower service provider nito, ang Great Value.
Unang lumiban si Carpio ng 8 araw dahil sa sakit, at binalaan siya na sakaling maulit ang paglabag ay idedeklara siyang absence without official leave (AWOL). Lumiban muli siya ng 9 na araw at idineklarang AWOL, at sa ikatlo ay nagbakasyon siya na may pahintulot ng supervisor.
Nang siya ay bumalik kinabukasan, hindi na siya pinapasok sa trabaho at sinabi ng kanyang foreman na AWOL na siya.
Naghain ng reklamong illegal dismissal si Carpio at ibinasura lang ng NLRC, gayundin ng CA kaya iniakyat sa SC ang kaso.
Ayon sa SC, iligal na tinanggal sa trabaho si Carpio dahil ang pagliban ay may valid reason at hindi napatunayan na gusto ni Carpio na wakasan ang employer-employee relationship.
- Latest
























