EDITORYAL - Kawalan ng tiwala sa mga balita
Nakababahala ang resulta ng Reuters Institute Digital News Report na nagsasabing 28 percent na lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa mainstream news outlets.
Hindi ito simpleng problema lamang ng mga pahayagan, telebisyon, radyo o online news sites. Mas malalim ang sugat. Nasa panahon ang bansa na ang balita ay nakikipagsiksikan sa fake news, bayarang propaganda, vloggers na nagpapanggap na eksperto, trolls at posts na ginawa para umani ng likes, shares at galit.
Nakapagtataka rin ang sitwasyon. Maraming Pilipino ang hindi nagtitiwala sa social media bilang source ng balita, pero dito pa rin kumukuha ng impormasyon. Facebook pa rin ang pinupuntahan para sa balita. Sumusunod ang YouTube at TikTok. Sa madaling sabi, alam ng publiko na maraming kasinungalingan sa social media, pero hindi nila maiwan dahil bahagi na ng araw-araw na buhay.
Ito ang malaking panganib. Kapag ang balita ay dinaraan na lamang sa algorithm, hindi na katotohanan ang laging nangingibabaw kundi ang pinakamaingay, pinakamabilis at pinakanakakagalit. Mas madaling kumalat ang maling impormasyon kaysa sa maingat na ni-research na balita. Mas mabilis panoorin ang nakagagalit na video kaysa basahin ang paliwanag. Mas madaling paniwalaan ang pabor sa sariling paniniwala kaysa harapin ang hindi komportableng katotohanan.
Lalo pang pinalalala ng bangayan sa pulitika ang sitwasyon. Kapag ang isang report ay hindi pabor sa isang kampo, agad itong tinatawag na bayaran o bias. Kapag may batikos sa opisyal, sasabihing propaganda. Kapag may expose, sasabihing paninira. Sa ganitong kalagayan, hindi lamang media ang nasisira kundi ang kakayahan ng mamamayan na magpasya batay sa tunay na impormasyon.
Pero hindi rin dapat maghugas-kamay ang mainstream media. Hindi sapat na isisi lamang sa social media, trolls at fake news ang pagbagsak ng tiwala ng publiko. Kung nawawala ang tiwala ng mamamayan, tungkulin ng media na tanungin ang sarili: malinaw ba ang pagbabalita? Patas ba ang pagtalakay? Napakikinggan ba ang ordinaryong mamamayan? Naipapaliwanag ba nang simple ang mahahalagang isyu? O masyado nang nalalayo ang media sa karaniwang Pilipino?
Dapat magsikap ang media na bawiin ang tiwala ng publiko. Hindi ito makukuha sa sigawan. Makukuha ito sa tapat, malinaw, responsable at kumpletong pagbabalita. Dapat ding maging mapanuri ang publiko. Hindi maaaring talikuran na lamang ang balita dahil nakakapagod ang pulitika. Kapag tumigil ang mamamayan sa pag-alam, lalakas ang kasinungalingan. Kapag pinabayaan ang fake news, yayabong ang panlilinlang. Kailangan ang matino, tapat at makabuluhang pamamahayag. Bawiin ng media ang tiwala ng publiko. Huwag hayaang malunod ang katotohanan sa ingay ng kasinungalingan.
- Latest

















