Binatilyo, todas sa kapwa menor-de-edad

MANILA, Philippines — Isang binatilyo ang patay nang tarakan sa leeg ng nakaalitang kapwa binatilyo habang nag-iinuman sa Sampaloc, Manila, nabatid kahapon.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Sampaloc ang 16-anyos na biktima, na residente ng Sampaloc, Manila, bunsod ng tinamong mga saksak sa leeg habang agad namang naaresto ang 17-anyos na suspek at residente rin ng naturang lugar.
Batay sa naantalang ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-12:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Geronimo St., sa Sampaloc.
Sa salaysay ng isang testigo sa krimen, nakikipag-inuman ang biktima at suspek sa 10 hanggang 15 pang kapwa kabataan, nang bigla na lang umanong lumapit ang biktima sa testigo at sinabing sinampal siya ng suspek.
Kinumpronta rin umano ng biktima ang suspek at saka ito itinulak, na nagresulta sa kaguluhan.
Sa gitna ng kaguluhan, bigla na lang umanong nagbunot ng matulis na bagay ang suspek at ilang ulit na itinarak sa leeg ng biktima.
Nang makitang duguan na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek ngunit naaresto rin naman ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Lacson Police Community Precinct (PCP).
Ang suspek ay nakatakdang ilipat sa Boys Town Complex.
- Latest




















