Mag-ina, lola minasaker ng kaanak!

Para ‘di makapaghain ng kasong rape
MANILA, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang ina, 2-taong gulang na anak at lola ng bata, habang kritikal ang isa pang anak na 6-taong gulang matapos silang pagsasaksakin ng kanilang kaanak na welder na unang inireklamo ng panggagahasa sa isa pang menor-de-edad na anak ng ginang, sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Aya, Talisay, Batangas kamakalawa ng gabi.
Sa report na tinanggap ni Talisay Municipal Police Station chief PMaj. El Cid Villanueva, dead-on-the-spot ang 35-anyos na si alyas “Nena” at 59-anyos na lola ng bata na si alyas “Malou” habang dead-on-arrival sa ospital ang 2-anyos na anak na lalaki ni Nene dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.
Sugatan naman ang 6-taong gulang na anak na babae ni Nena at inoobserbahan sa Global Medical Center.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dakong alas-10 ng gabi nang puwersahang pumasok ang suspek sa tahanan ng mga biktima matapos umanong umakyat sa bahagi ng terasa ng bahay.
Ayon sa dalawang menor-de-edad na nakaligtas sa insidente, nasa loob sila ng isang silid nang marinig ang kaguluhan. Nakalabas umano sila sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana at agad na humingi ng tulong sa kanilang mga kamag-anak na nakatira katabing bahay.
Naaresto naman ang 33-anyos na suspek na umano’y live-in partner ng kapatid ni Nena, sa isinagawang hot pursuit operation matapos ang mahigit isang oras sa insidente sa Brgy. San Roque, Santo Tomas City, Batangas.
Narekober din ng mga awtoridad ang mga damit na pinaniniwalaang suot ng suspek nang mangyari ang krimen, gayundin ang kutsilyong hinihinalang ginamit sa pagmasaker sa magpapamilya.
Sinabi ni Villanueva na dati nang inakusahan ang suspek ng panggagahasa sa 15-anyos na anak na babae ni Nena. Isa ito sa mga anggulong sinisiyasat ng mga imbestigador, kabilang ang posibilidad na isinagawa ang krimen upang mapigilan ang pagsasampa ng kasong rape laban sa suspek.
Nakapiit ang suspek sa Talisay Municipal Police Station na nahaharap sa mg kasong multiple murder at frustrated murder.
- Latest






















