Apartment building na hugis pyramid, matatagpuan sa China!
KILALA ang China sa mga kakaiba at kamangha-manghang disenyo ng mga gusali—mula sa hugis beehive na kayang tirhan ng humigit-kumulang 20,000 katao, hanggang sa mga gusaling dinadaanan mismo ng tren sa loob nito, o kaya naman ay nakatayo sa gitna ng mga tulay. Ngunit lingid sa kaalaman nang marami, matatagpuan din dito ang isang sikat na apartment building na hugis pyramid.
Matatagpuan sa Huaqiao district sa Kunshan, ang gusaling ito na mas kilala bilang “Pyramid of Kunshan” ay isa sa mga pinakatanyag na apartment building sa China. Natapos itong itayo noong 2013 at mula noon, naging isa na sa mga pangunahing atraksiyon para sa mga turista sa nasabing lungsod.
Hindi katulad ng mga totoong pyramid sa Egypt, ang 18-palapag na Pyramid of Kunshan ay may dalawang patayong pader sa labas, habang ang dalawang natitirang gilid nito ay nakahilig o slanted. Ang mga apartment dito ay pababa at naka-anggulo ng 45-degrees, na lumilikha ng isang kahanga-hangang tanawin.
Ayon sa Masters’ Architectural Office, ang kompanyang nagdisenyo ng proyekto, kumuha sila ng inspirasyon mula sa mga tradisyonal na terraced rice fields o hagdan-hagdang palayan ng China.
- Latest















