Pagbasura sa kaso ni Recto sa PhilHealth lipat-pondo pinakakalkal
MANILA, Philippines — Hiniling ng grupo ng mga doktor at abogado sa Office of the Ombudsman na muling suriin ang naging desisyon nitong ibasura ang reklamong plunder, graft at grave misconduct laban kay Executive Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr. kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury.
Sa kanilang Motion for Reconsideration na inihain noong Huwebes, Hunyo 18, iginiit ng mga complainant na nagkamali ang Ombudsman sa pagbasura sa kaso. Anila, hindi nito sapat na nabigyang-pansin ang umano’y naging pakinabang ni Recto sa naturang paglilipat ng pondo noong siya pa ang kongresista ng ika-6 na Distrito ng Batangas.
Ayon sa grupo, si Recto ay kabilang sa bicameral conference committee na umano’y nagpasok ng probisyon sa 2024 General Appropriations Act na nagbigay-daan sa paglilipat ng reserve funds ng PhilHealth.
Matapos umano itong maisingit sa budget law, lumobo nang halos 7,100 porsiyento ang unprogrammed appropriations para sa Lipa City at Batangas 6th District—mula P50 milyon noong 2023 patungong P3.6 bilyon noong 2024.
Sinabi rin ng mga complainant na P1.97 bilyon sa mga pondong ito ang napunta umano sa mga proyektong iginawad sa mga construction firm na may kaugnayan kay CW Party-list Rep. Edwin Gardiola.
Iginiit ng grupo na hindi kailangan ang patunay ng masamang intensyon sa kasong technical malversation dahil ang krimen ay nakabatay sa mismong paglipat ng pondong nakalaan para sa isang layunin patungo sa ibang gamit.
Noong Hunyo 2, ibinasura ng Ombudsman ang mga reklamo matapos nitong sabihin na walang sapat na prima facie evidence laban kina Recto at Ledesma.
- Latest


















