P29 milyong ilegal na droga nasabat sa Post Office sa Pasay

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa P29 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng ilegal na droga na idineklarang ibang mga produkto ang nasamsam sa isinagawang operasyon ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City, nitong Lunes, Hunyo 15.
Sa inisyal na report ng IADITG, dakong alas-11:30 ng umaga nang madiskubre mula sa sampung parcel ang 2,472 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P16,809,600; 5,239 gramo ng marijuana kush na may halagang P7,585,500; mahigit 100,000ml. ng liquid marijuana na nagkakahalaga ng P5,000,000; at 99 piraso ng iba’t ibang kulay ng ecstasy na nagkakahalaga ng P168,300.
Idineklarang snacks, instant coffee powder, decorative flowers, protein shake powder, inhaler, seaweed snack, LyxPro Speaker System SPA 8 Co, Toffy Candy, Jouet pour enfant, Cruze Spun sediment water, at sediment water filter ang mga parcel na nagbuhat sa Thailand, Estados Unidos, India, at Paris sa France.
Reklamong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs of 2002) ang isinampa sa Pasay City Prosecutor’s Office sa consignees.
- Latest





















