Trak sinalpok wing van, pahinante tigok

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang pahinante ng truck ng softdrinks nang bumangga sa tumirik na wing van, sa C5 Ortigas Flyover sa Pasig City, sa kasagsagan ng malakas na ulan, Sabado ng gabi, Hunyo 13.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic aide Apple Eguia, inilagak na sa punerarya ang nasawing pahinante habang ang driver ng truck ay pinigil sa Pasig Traffic Bureau para sa imbestigasyon at paghahanda ng isasampang reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Dakong alas-11:00 ng gabi, habang malakas ang pag-ulan, nang maganap ang insidente sa southbound ng C5, Barangay Ugong, Pasig. Nayupi ang unahan ng trailer truck at kumalat ang maraming basag na bote ng softdrinks na karga nito dahil sa tindi ng impact.
Pansamantalang isinara ang apektadong bahagi ng C5 sa mga motorista na inabot pa hanggang alas-10:00 ng umaga ng Linggo, dahil sa towing at clearing operations.
Mabilis umano ang takbo ng truck ng softdrinks at hindi umano napansin ng driver na ang nasa unahang wing van na kargado ng mais ay nakatirik. Hindi na napigilan ng driver ang tuluy-tuloy na takbo kaya hindi naiwasang bumangga.
- Latest






















