^

PSN Opinyon

EDITORYAL— Itaas ang suweldo ng mga guro

Pilipino Star Ngayon

SA pagbubukas ng school year 2026-2027, ipinagmalaki ng Department of Education­ (DepEd) ang napakalaking budget nitong uma­abot sa isang trilyong piso, kalakip ang mga bagong “reporma” tulad ng Three-Term School Calendar at ILAW framework. Sa kabila nito, walang silbi ang anumang reporma sa edukas­yon kung ang mga haligi nito ay gutom at baon sa utang.

Ang panawagan para sa P15,000 across-the-board salary increase at pagtataas ng entry-level pay sa P50,000 ay hindi isang luho; ito ay isang mahalagang hakbang para mabuhay nang may dignidad ang isang guro.

Sa kasalukuyan, ang isang entry-level na guro ay may net pay na P24,000 hanggang P26,000 lamang matapos kaltasan. Paano ito magkakasya sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin?

Habang sinisisi ng pamahalaan ang kalidad ng pagtuturo sa nakababahalang datos ng lite­racy—kung saan 1.3 million sa 1.4 million Grade 11 students ang hirap umintindi sa kani­lang bina­basa—hindi nito inamin na ang mga guro ang pu­mapasan sa talamak na underinvestment ng estado. Dahil sa kakulangan ng 300,000 education support personnel, ang guro ang nagsisilbing guidance counselor, registrar, at event planner nang walang dagdag na bayad. Nakakatipid ng milyun-milyon ang gobyerno mula sa libreng pag­papahirap sa mga guro.

Ang pinakamalaking sampal sa mga guro ay ang lantarang kawalang-katarungan sa pama­mahagi ng yaman ng bayan. Pilit ipinagsisiksikan ng gobyerno na “walang pondo” para sa P15,000 na umento ng mga nagtuturo araw-araw, ngunit kayang-kayang magpasuweldo ng higit P300,000 buwan-buwan at malaking allowance sa senador na si Ronald dela Rosa. Pitong buwan nang absent at nagtatago sa batas si Dela Rosa dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court. Nagpakita siya sa Se­nado noong Mayo para bumoto sa pagpapalit ng Se­nate President pero muling nagtago maka­raang magkaputukan. Nakalabas siya sa Senado at sumakay sa SUV ni Sen. Robin Padilla.

Panahon na upang tigilan natin ang pag-romanticize sa sakripisyo at pagiging “bayani” ng mga guro. Ang pagtawag sa kanilang mga bayani ay madalas ginagamit na lamang na palusot ng gobyerno upang hindi sila bayaran nang tama. Ang tunay na pagpapahalaga ay hindi nasusukat sa mga papuri tuwing sasapit ang unang araw ng klase at Araw ng mga Guro, kundi sa pagpasa ng batas na magbibigay sa kanila nang sapat at tamang sahod para sa isang marangal na buhay.

Hindi makababangon ang kalidad ng edukas­yon kung ang mga taong naatasang humu­­bog sa kinabukasan ng mga kabataan ay hindi man lang makuhang hubugin ang sarili nilang kinabukasan dahil kawalan ng laman ng kanilang mga bulsa. Nararapat itaas ang suweldo ng mga guro.

DEPED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with