Hindi nakakatawa ang joke ng bf
Dear Dr. Love,
Tawagin nyo na lang po akong Lana. Magdadalawang taon na kami ng boyfriend ko. Mabait siya, kaya lang ay sobrang palabiro na hindi na alam kung kailan dapat magseryoso.
Kadalasan, kahit seryoso ang usapan o pagod ako, dadaanin niya sa asar. Kapag nasasaktan o napipikon na ako, sasabihin lang niya, “Masyado kang madrama, joke lang.” Dahil dito, ang simpleng kuwentuhan ay laging natutuloy sa away.
Sinubukan ko na siyang kausapin, pero ang katwiran niya ay pikon lang daw ako. Dr. Love, napapagod na ako. Mahal ko siya, pero tama bang makipag-break na ako kung hindi niya kayang irespeto ang nararamdaman ko?
Lana
Dear Lana,
Ang biro na nakakasakit at nauuwi sa away ay hindi na joke—bastos na ‘yan. Kung mahal ka niya, titigilan niya ang mga bagay na alam niyang ikinalulukot mo. Ang maipapayo ko, magtakda ng limitasyon. Kapag nagbiro siya nang masakit, seryoso mong sabihin, “Nasaktan ako, hindi ‘yan nakakatawa.” Kung tatawanan ka lang, iwanan mo muna siya para maramdaman niyang seryoso ka. Ipakita at iparamdam mo sa kanya na hindi mo tatanggapin na pikon ka. May karapatan kang masaktan. Hindi ka madrama; siya ang insensitive at walang respeto sa emosyon mo.
Kung wa epek pa rin, mag-isip ka na para sa sarili. Hindi mababaw ang maki-pag-break. Karapatan mong mamuhay ng may kapayapaan ng isip. Huwag mong ubusin ang sarili mo sa lalaking mas mahal ang sariling joke kaysa sa nararamdaman mo.
DR. LOVE
- Latest





















