SUV driver sa SLEX hit and run sumuko
Sasakyan ibinebenta online
MANILA, Philippines — Sumuko na ang driver ng sport utility vehicle (SUV) na sangkot sa hit-and-run incident sa South Luzon Expressway (SLEX) na ikinasugat ng isang tauhan ng PNP – Highway Patrol Group (PNP-HPG) nitong Lunes, Hunyo 6.
Ayon kay HPG Director BGen. Rommel Batangan, si Manjot Singh, 21, na isang Indian-Filipino national ng Brgy. Nangka, Marikina City ay boluntaryong sumuko tatlong araw matapos ang pag-hit and run kay Patrolman Jeric Aya-ay.
Sinabi ni Batangan, sa intelligence-driven at backtracking operations, natunton ng mga imbestigador ang sasakyan sa isang talyer kung saan nire-repair at ibinebenta online.
Naniniwala si Batangan na planong itago ng suspek ang bangga ng sasakyan. Agad itong kinumpiska at dinala sa himpilan ng HPG bilang bahagi ng imbestigasyon.
Nagkaharap din sa Camp Crame si Singh at si Aya-ay kung saan humingi ng tawad ang una sa huli. Ayon kay Singh, natakot at nataranta siya kaya hindi na huminto matapos ang aksidente.
Sa kabila nito, sinabi ni Batangan na tuloy pa rin ang pagsasampa ng mga kasong reckless imprudence resulting in physical injuries, damage to property, abandonment of victim, at mga kaukulang paglabag sa batas-trapiko.
- Latest

















