Guro na nakipag-eyeball, natagpuang patay!
MANILA, Philippines — Natagpuang patay sa isang madamong bahagi ang isang lalaking guro ng isang pampublikong eskuwelahan na may tatlong tama ng saksak sa katawan matapos umanong makipag-eyeball sa isang lalaking kausap, sa Brgy. Alang-alang, Quinapondan, Eastern Samar nitong Lunes.
Kinilala lang ang biktima sa pangalang Leo, 36, na may ilang araw nang nawawala.
Sa ulat ng Eastern Samar Police, ang biktima ay huling nakitang buhay noong Hunyo 6 habang lulan ng motorsiklo na minamaneho ng isang nagngangalang Ryan at isa pang backrider na si Rick.
Base sa imbestigasyon, sina Leo at Ryan ay plano umanong magkita bago nadiskubre ang pagkamatay ng biktima.
Ang duguang katawan ng biktima ay natagpuan may ilang metro mula sa tahanan ni Ryan na isa sa “person of interest” sa kasong ito.
Natagpuan din ang mga nagkalat na tuyong dugo sa tahanan ng suspect na pinaniniwalaang may kaugnayan sa krimen.
Inaresto ng mga awtoridad si Ryan na ngayon ay isinasailalim na sa masusing imbestigasyon habang patuloy ang hot pursuit operation laban sa isa pang suspect.
- Latest





















