‘Utak’ sa Jee Ick-Joo kidnap-slay arestado!

MANILA, Philippines — Arestado na ang “most wanted” na si dating Police Colonel Rafael Dumlao na utak sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Korean national na si Jee Ick-Joo noong 2016, sa isang operasyon ng pulisya sa Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, dakong alas-5:00 ng madaling araw ng Hunyo 9, 2026 nang dakpin si Dumlao sa isang bahay sa Barangay Pasong Tamo, QC, gamit ang warrant of arrest para sa service of sentence sa reclusion perpetua.
Sa tulong ng impormante at P1 milyon na patong sa ulo ni Dumlao, nadakip siya habang natutulog matapos ang 3-linggong surveillance.
Nasa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region na si Dumlao para sa kaukulang proseso. Isasailalim din sa forensic exam ang kanyang laptop at cellphone para malaman kung sino ang mga huli niyang nakausap. Siya ay convicted kaugnay sa kaso ng kidnapping, extortion, carnapping, at murder sa South Korean na si Joo noong Oktubre 2016. Hindi umano nagbigay nang hinihinging pera ang negosyante kaya siya sinakal hanggang sa mamatay at sinunog pa ang labi nito at itinapon umano sa banyo ang abo, sa loob ng Camp Crame.
Sa rekord ng kaso, noong Setyembre 2024 nang baligtarin ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman at idineklarang guilty si Dumlao na pinatawan ng reclusion perpetua at iniutos ang pag-aresto sa kanya nang walang kaukulang piyansa.
Inakyat ni Dumlao sa Korte Suprema ang petisyon subalit noong Hunyo 30, 2025, tinabla siya at pinagtibay ang desisyon ng CA.
“The arrest sends a strong message that no one is above the law regardless of rank, position, or former authority,” ani Remulla sa isinagawang pulong balitaan.
Nabatid sa ulat na noong 2018 nang masibak sa serbisyo si Dumlao kaugnay sa naturang kaso.
- Latest





















